Huwag Kang Iiyak

Advertisements

Lubid

Sa kalamnan ng mga oras

kung saan ikaw lang
ang nasa isip,
Sa tahimik na pag-inog
ng mundo,
Sa dalawang kaluluwang
iisa ang pangako,
ikaw at ako,
ako at ikaw,
sumasalamin ng dalawang
dulo ng buhay,
isang lubid na may
simula at hangganan,
isang patutunguhan,
isang langit na matatamasa,
alaalang dumaragsa,
patuloy sa paghabi ng
mga larawan ng
mga sugat na iniwan
ng kahapon

Ang oras ay tumatakbo,
ngunit para sa atin
ito ay huminto,
tumitig,
huminga,
lumuha,
nagmahal,
naglaho.

Pa-uwi

Mula sa Inspirasyon na ibinigay ng maikling pelikula ni JP Carpio ” Sang Ga Pakádto Akó”

 

Ayala Station

Namamanata ako sa diyos ng paglakbay,

isang oras at kalahati na pagtayo at isang timbang

butil ng pawis ang iaalay,

makauwi lamang kasama ang mga buhay na bangkay

na pilit nagpapalamon sa halimaw na

maghahatid sa paroroonan ng walang halaga

at mga oras na hindi na maibabalik. 

pakinggan sana ako at madama

ng poon ang mga binting masaya na nangangawit

at mga pawising kamay na mariing kumakapit

sa mga bituka ng halimaw habang ito ay mabagal

na nagpapahila sa mga alon na bakal,

sa gitna ng mga alipin ng komportableng impyerno

sa dagat ng usok at ilaw na pula.

Sa aking mahinang dasal na sana ay hindi humalik

sa mga pader na isusuka ako sa kawalan,

ako ay makauwi ng isa lang ang katawan.

 

Boni Station

Sa mga sandaling iyon ay walang namagitan sa atin.

Sa tagal ng ating pakikipaglaban sa mga gabing

lungkot ang laot ng ating bangka ay

ngayon lang tayo pinagdampi ng hirap.

Walang binigkas na salita,

ang iyong pisngi sa aking leeg,

tila ito ay iniadya para maging sandalan

mo, habang hindi iniinda ang init at sikip

at balat ng mga kaluluwang

kinalyo na sa kakahintay–

tayo ay dalawang multo sa dagat ng

siglu-siglong kasaysayan,

na takot pa rin bigkasin ang mga salitang

tutuldok sa atin.

 

Cubao Station, Cubao

Nakilala ko sila sa sandaling pinagsamahan

namin sa naghihingalong tren.

Sa bawat sambit ng sumpa ay alam kong

may bagong binhi ang aanihin,

sa likod ng bawat mukhang hindi maipinta ay

ang banas na sisindi sa mga natuyong

pangarap sa lupaing kinakapos na sa pag-asa.

 

 

 

 

 

 

Why So Sudden

It seems as though

I have mastered
The art of knowing
When one soul,
Stops looking at my
Skies.

It seems I have seen too
Much backs walking
Away, to know
the air had shifted
From promises to
decay.

And everytime I’d see
Patterns,
Psychedelic greys
In a person,
Of how they say hello,
their words,
A curt of misery
An unspoken
Putting out of
The flame,
I’d know that the clock
Has started the countdown
Until they leave,
Until he leaves.

By then, I’d have days
Upon days of anticipation,
Of my heart sinking into
The depths where it onced
Caged itself for safe
Solitude,
Of this unbearable waiting
I’d have to endure before
Saying goodbye.
By then, I know I’ve
Already died.

With Reckless Abandon

All things that would catch me,

All things that would make me sleep,
All things that love me;

I irritate them with daydreams
Of things I’m scared of while I’m
Awake,
passing time like I’ve got a lifetime
Or two,
Floating away to where I’m
Not used to.

I’m a stranger to the familiar,
The recklessness of doing something
Not you,
Or close to,
Trying to live a life of seven plus
Two more days of catching
The blues,
I reckon

I’d live a day not knowing myself,
That knowing me right before life
Starts
Right before the stars were made,
Right before living itself.

Degree

May gusto kumawala sa dibdib ko,

pero sa takot kong mawala ka,

mas pipiliin kong mawala ako.

Mawala ako sa mga ngiti mong

nagpapalimot sa akin kung anong

kaibahan ng sakit at sarap.

sa mga mata mong bumibilanggo

sa puso kong hindi matanggap.

Na tinuldukan mo dito ang lahat,

sa isang pangungusap na mas masakit

pa kaysa sa kirot ng lapnos sa balat.

 

Mahal, sana, hindi ka na lang nakiusap.

Sana hindi ka nagmakaawa na manatili ako

dito at mahalin ka sa paraang gusto mo.

Na kailangan mo ng masasandalan pero

hindi mo kailangan ang pagmamahal na

mas kaya kong ibigay sayo.

 

Mahal, sana hindi ka na lang naging mabait.

Sana pinatay mo na lang ako ng paulit-ulit

nang masanay ako sa sakit at mapagod

at iwanan ka na lang nang walang

hinayang sa dibdib.

 

Mahal. Sana, sana hinayaan mo na lang ako

na mahalin ka  sa kung papaano ika’y

dapat na mahalin.

sana, hindi ka nasanay sa lahat ng

pagkukulang ng iyong nakaraan.

Na sa lahat ng nagmahal sa iyo,

ang akin ay kayang hindi matulog sa gabi para

bantayan ka dahil takot ka sa dilim..

 

Mahal. Sana naintindihan mo ,

na higit pa sa buhay ko ang kaya kong ibigay,

at sana naintindihan mo kung ano ang

tinanggihan mo.

 

Natatakot ako.

Sana ipagdasal mo na hindi ako madala,

at patuloy ako magpakatanga para sayo.

 

Takot akong mawala ka.

Kaya mas pipiliin kong mawala ako ,

kaysa sa lumisan ka.

Liham Para Sa Ina Galing Sa Isang Insomniac

Mama,
Pasensya na ,
Kung hindi ako
Makatulog ng tama,
O humimbing ng hindi
Mali,
Dahil ang mga ideyang
Binubuhay ko,
Ay di lumilikha ng oras
Na ‘di na maaga
Ang hatinggabi.

Mama,
Patawarin mo ko,
Na nahuli mo akong
Tumitipa,
Ng alas kuwatro ng umaga,
Kung saan gising na ang
Mga magtatrabaho,
Pero patulog pa lang
Ang mga nangangarap;

Mama, ang mga
Pangarap ko ay di
Natutulog, makatulog,
Ayaw nila matulog,
Gusto nila ilapat ko
Sila habang ang
Puso’y pabagsak na ,
Ang mga talukap sa
Pagbigay ng antok
Ay hudyat na
Tumigil na ngunit ayaw
Pa.

Mama,
Mahal kita.
Alam ko lang ay
Nag-aalala ka,
Ayaw mong
Umabuso ako
Sa kaluluwa kong
Ilang beses nang
Tinulugan at iniwan
Ng mundong ito,
Ayaw mo lang
Maging maramot ako
Sa pananaginip,
Dahil alam mong,
Importante ang tulog
Sa isip na puyat,
At nakakamatay ang
Paghikab sa mga
Pagkakataong
Ibinigay para
Magpahinga….

Mama,
Ang mga ideya,
Pangarap at apoy
Ay lumalabas lang
Sa mga panahong,
Madilim na
Ang kwarto at
Tahimik ang paligid,
Sa kamang malambot
Ako’y nagsusulat,
Paulit-ulit sa sarili
Na sinasabing
Ang gabi ay ginawa
Ng Diyos para
Matulog,
Para humimlay,
At hindi tumamlay

Mama,
Sana maunawaan mo,
Mama,
Patawad po,
Na ang anak mo
Ay kakaiba,
Mama,
Mahal kita,
Ikaw ang inspirasyon
Nitong tula,
Mama,
Sana.