Degree

May gusto kumawala sa dibdib ko,

pero sa takot kong mawala ka,

mas pipiliin kong mawala ako.

Mawala ako sa mga ngiti mong

nagpapalimot sa akin kung anong

kaibahan ng sakit at sarap.

sa mga mata mong bumibilanggo

sa puso kong hindi matanggap.

Na tinuldukan mo dito ang lahat,

sa isang pangungusap na mas masakit

pa kaysa sa kirot ng lapnos sa balat.

 

Mahal, sana, hindi ka na lang nakiusap.

Sana hindi ka nagmakaawa na manatili ako

dito at mahalin ka sa paraang gusto mo.

Na kailangan mo ng masasandalan pero

hindi mo kailangan ang pagmamahal na

mas kaya kong ibigay sayo.

 

Mahal, sana hindi ka na lang naging mabait.

Sana pinatay mo na lang ako ng paulit-ulit

nang masanay ako sa sakit at mapagod

at iwanan ka na lang nang walang

hinayang sa dibdib.

 

Mahal. Sana, sana hinayaan mo na lang ako

na mahalin ka  sa kung papaano ika’y

dapat na mahalin.

sana, hindi ka nasanay sa lahat ng

pagkukulang ng iyong nakaraan.

Na sa lahat ng nagmahal sa iyo,

ang akin ay kayang hindi matulog sa gabi para

bantayan ka dahil takot ka sa dilim..

 

Mahal. Sana naintindihan mo ,

na higit pa sa buhay ko ang kaya kong ibigay,

at sana naintindihan mo kung ano ang

tinanggihan mo.

 

Natatakot ako.

Sana ipagdasal mo na hindi ako madala,

at patuloy ako magpakatanga para sayo.

 

Takot akong mawala ka.

Kaya mas pipiliin kong mawala ako ,

kaysa sa lumisan ka.

Advertisements

Liham Para Sa Ina Galing Sa Isang Insomniac

Mama,
Pasensya na ,
Kung hindi ako
Makatulog ng tama,
O humimbing ng hindi
Mali,
Dahil ang mga ideyang
Binubuhay ko,
Ay di lumilikha ng oras
Na ‘di na maaga
Ang hatinggabi.

Mama,
Patawarin mo ko,
Na nahuli mo akong
Tumitipa,
Ng alas kuwatro ng umaga,
Kung saan gising na ang
Mga magtatrabaho,
Pero patulog pa lang
Ang mga nangangarap;

Mama, ang mga
Pangarap ko ay di
Natutulog, makatulog,
Ayaw nila matulog,
Gusto nila ilapat ko
Sila habang ang
Puso’y pabagsak na ,
Ang mga talukap sa
Pagbigay ng antok
Ay hudyat na
Tumigil na ngunit ayaw
Pa.

Mama,
Mahal kita.
Alam ko lang ay
Nag-aalala ka,
Ayaw mong
Umabuso ako
Sa kaluluwa kong
Ilang beses nang
Tinulugan at iniwan
Ng mundong ito,
Ayaw mo lang
Maging maramot ako
Sa pananaginip,
Dahil alam mong,
Importante ang tulog
Sa isip na puyat,
At nakakamatay ang
Paghikab sa mga
Pagkakataong
Ibinigay para
Magpahinga….

Mama,
Ang mga ideya,
Pangarap at apoy
Ay lumalabas lang
Sa mga panahong,
Madilim na
Ang kwarto at
Tahimik ang paligid,
Sa kamang malambot
Ako’y nagsusulat,
Paulit-ulit sa sarili
Na sinasabing
Ang gabi ay ginawa
Ng Diyos para
Matulog,
Para humimlay,
At hindi tumamlay

Mama,
Sana maunawaan mo,
Mama,
Patawad po,
Na ang anak mo
Ay kakaiba,
Mama,
Mahal kita,
Ikaw ang inspirasyon
Nitong tula,
Mama,
Sana.

Obra

Ihabi mo ako sa mga sandaling
ikaw lang at ang mundo mo
ang may unawaan,
habang ang mga bituing
ay pilit na nangungusap
na hawakan ang mga obra
mong ibinulong sa
tela ng gabi-gabing
pagdarasal sa Maykapal…

Ibahagi mo sa akin ang
pagkakayari ng mga panahon:
Simula sa sandaling
nangibabaw
sayo ang pag-ibig ng
sining iyong inaruga,
hanggang sa
mga sandaling isinumpa
mo na hindi mo na
dadampian ng silakbo
ang kuwadrong iyong
minahal

At hayaan mo akong madapa,
matumba sa bundok ng
iyong mga kurba at talas
ng iyong mga buto,
hayaan mo ako masaludsod
sa mga talim ng kulay ng
iyong kahalingan,
mahal ko,
sairin mo ako sa lahat ng iyo,
hanggang sa ako’y
mawala sa’yo…..

Salamat Sa Tula

Para sa mga luhang namatay
Sa aking pisngi,
Inaalay ko ang tulang ibinigay
Mo sa bingit,
Ng aking kamatayan,
Sa mga braso mong,
Hindi ko mahawakan,
Ikaw ang nagsulat nito
Gamit ang puso kong biniyak,
Mo sa gitna at pinurol
Ang talas ng aking
Pagsinta.

Ikaw.
Salamat sa tula,
Sa pagwawalang bahala
Noong hindi ko maibuka
Ang aking bibig
Sa takot na ako’y iyong
Iwan ngunit,
Ikaw pa ang nagtahi ng
Aking mga labi
Habang hawak hawak
ang mga salitang
Nagsasabi kung
Pano,
Ikaw ang naging araw,
Gabi,
Magagandang panaginip,
Mainit na sabaw,
Mabilis na paghabi
Ng mga larawang ikaw,
Lang ang nasa isip,
Mga bunga ng
Mga oras na ikaw ang
Nakikita sa langit

Ikaw.
Salamat sa tula.
At salamat sa paglayo.
Damang-dama ng mga
Letrang ito ang pagsayaw
Sa nilakaran mo,
Habang paliit ka ng paliit
Sa paningin kong,
Nasanay na sa hubog
Ng iyong kaluluwa,
Sa lamig ng iyong
Pananahimik,
Sa paglubog.
Ko sa kawalan.

Ikaw.
Salamat sa tula.
Pagtapos ng ilang
Beses na pagbura
At pagdula ng
Pangalan mo’y alam
Na ng mga daliri ko,
Ang pagtipa sa pader
Na kasing tigas ng
Pagsabi ko sa iyo ng
“Mahal kita”
Sa isipan kong ikaw
Lang ang sinasamba.

Ikaw.
Ang sagot sa panalangin
Kong magbigay ang ulan
Ang Diyos ng mga salitang
Lululan,
Sa dibdib kong  patataasin
At pabababain ng mga
Alaala mo habang
Tayo,
Mga Inosente sa dilim,
Ay haharap sa umagang
Walang lalim.

Ikaw.
Salamat sa tula.
Ikaw.
Salamat sa
Ikaw.
Salamat.
Ikaw
ang tula.

Sampung Araw Pagkatapos Ng Birthday Ko Ang Birthday Mo

Limang araw na lang,
birthday ko na.
Mag tu-twenty two na
ako,
gaya mo,
sampung araw pagkatapos
ng birthday ko.

Nakakatawa ‘no?
Kahit ilang taon na ang
nakalipas,
nang umikot ang mundo
ko sayo, heto pa rin
ako,
alam kung kailan ang birthday
mo.

Dito ko rin napagtanto na
kahit gaano na pala katagal,
at ilang beses nang nanalo
sa sugal,
at ilang beses nang nagbago
ng anyo,
ng gusto sa isang lalaki,
ng intensyon,
ng relasyon,
ng limitasyon,
heto pa rin ako,
alam kung kailan ang birthday mo.

Papaano ko ba makakalimutan?

Parehas tayong Mayo,
pero kambal ka at
toro ako.
Parehas tayong matalino,
Ikaw sa libro,
at ako sa mga pangkalyeng
laro.
Parehas na anak ng sining,
nagsusulat ka,
kumakanta ako,
Parehas na may hitsura,
guwapo ka…
mabait ako

Kaya paano ko ba makakalimutan
ang birthday mo na sampung araw
pagkatapos ng birthday ko.

Eight hundred, sixty-four thousand
seconds ang sampung araw,
sabi mo.
Iyon din ang katumbas kung ilang
beses kong pilit na kalimutan ang
birthday mo.
Dahil sa tuwing naiisip ko ang
ang birthday mo,
naaalala ko na rin ang pangalan
mo,
na kinuha kay Mama Mary,
na,
sa tuwing naririnig ko pa rin ngayon
ikaw ang naiisip ko.
Naaalala ko sa pangalan mo ang
mga panahong tinatanong nila ako
kung sino ang naglagay ng
mga ngiting nasa labi ko,
ang nagpapalambot ng tuhod
ko,
ang di pagpapatulog sa mga
gabi ko,
ang nagpapatakbo sa tibok
ng puso kong,
mas malakas pa sa baterya
ng motolite …
sasabihin ko,
ang pangalan mo,
Ikaw, ikaw , ikaw

Pero,

Hindi ko makalimutan.
Kahit gusto ko.
Hindi ko makalimutan
ang birthday mo
na sampung araw
pagkatapos ng
birthday ko.

Two hundred , fourty hours
ang katumbas ng sampung araw
paggoogle ko.
Iyon din ang katumbas kung ilang
beses akong umiyak , 
sa banyo,
sa classroom,
sa garden,
sa kama,
sa Kuwarto,
sa sala,
sa loob ko.
nang dahil sa iyo.
Ang unang nagpakilala sa akin
kung gaano kasarap ang
pagmamahal,
ang una ring nagpakilala sa akin
kung papaano kasakit ang mabigo,
At ang nagpakilala sa akin
sa salitang tanga.

Tanga. Tanga. Tanga.

Naalala ko,
Ang regalo mo sa birthday ko,
sampung araw bago ang birthday
mo,
ay ang di mo pagsipot.
hinintay kita noon, walang pakialam
sa karangyaan na nakabalot,
sa paligid,
ikaw lang ang ibig,
inantay hanggang sa tumawag
ka para sabihin na di ka makakarating.

Pero minahal pa rin kita noon,
gaya ng pagmamahal ko sa
birthday ko , na sampung araw
bago ang birthday mo.

ten days.
May twenty-eight ,
Ninety ninety three.
Saktong sampung araw,

Sampung araw ,
pagkatapos ng birthday ko,
ang birthday mo.

Para

Para.

Apat na letra na
kayang sumira
at magbuo sa
mga ideyang malalaya.

mga dapat na
ideya tungkol
sa iba ay sa iyo pala.

Para.

Para sa iyo.

Para sa iyo ang
tula na ito
na kahit ilang beses kong
balibaliktarin
at ilang beses kong
burahin at isulat
muli,

ang totoo,
para ito sa iyo.

Para.
Para Saan?
Para-paraan,
Para mapalapit
sayo?

Ano naman ngayon?

Para maparanas ko
sa iyo ang
nararamdaman ko.

Paranasin mo ako
ng pagmamahal
mo sinta ko.

Paranasin mo ako!
ng pagmamahal mo,
sinta ko.

Paranasin mo ako
ng mga kinakabig
ng dibdib mo.

Paranasin mo ako
ng mga parabulang
sa iyo ko lang
matututunan.

Para.

Apat na letra
na magdidikta
kung totoo
o hindi–

ay mali…

Para-ng pala iyon,
ang makakapagsasabi
ng layon, ng daloy
ng mga salitang
tunay at ayon.
Sa kung ano ba talaga
ang gusto ko iparating
sa ‘yo .

Parang.
lokohan na bulaan na
hindi sigurado ngunit
may laman.

Parang tayo.
Parang hindi.
Ano ang tama,
Ano ang mali.

Parang tayo,
tuwing gabi lang,
sino ang mas nagmamahal
sino ang nagkulang.

Para.

Apat na letra na simula
ng salitang makapagsasabi
kung ano ba talaga ako sa ‘yo.

Para.

Parausan.
Hindi man ng laman,
ngunit ng mga oras
na wala kang masandalan.
ng mga panahong
wala kang matawag
na iyo at ako lang ang
nariyan.
ng mga panahon na
wala kang mahingahan
at ako ang naging
kaibigan na iyong
iniyakan.

Parausan.

ng mga panandaliang
kasiyahan.
Na kahit alam mong
mahal kita,
gusto mo pa rin ako
suportahan at damayan
ka na mahalin siya.

Para.

Para sa iyo.

Para sa iyo ang
tula na ito
na kahit ilang beses kong
balibaliktarin
at ilang beses kong
burahin at isulat
muli,

ang totoo,
para ito sa iyo.

Para.

Apat na letra.
ibang salita na
nagsasabing tumigil
na.
Itigil na.

Para.

tama na.

Ayoko na.

Hindi Kita Malimot

 

Sinta ko,

kay rami kong nais sabihin,

ngunit kahit ako’y nasa aking kama,

tila , ako pa rin ay nakatunghay sa

asul na langit na nasa ibabaw ng iyong

matamis na ngiti….

 

Mga matang kay amo,

kay lalim ng nadarama, parang dagat

na walang hanggan,

na gusto kong languyin at abutin ang

kalaliman noon, para

maitago sa aking isipan ang iyong

mga pangarap na ni kanino ay ‘di mo

masabi….

 

Huwag mong itago sinta ko,

ang makikintab na butil ng perlas,

na nasa iyong mga pisngi,

dahil walang kasing sarap sa aking

pakiramdam na dampian iyon

ng aking mga halik…patunay

ng aking malalim na pagtatangi sa ‘iyo…

 

At kung ngayon man, ika’y

magtanong…kung ano ang aking

nasa isipan…..

Tinatanaw ko lamang ang iyong mukha,

na kasingganda ng gabi…

inaalala ka…hanggang sa aking panaginip

dahil…hindi kita malimot…